Primer on Armed Conflict in the Philippines

Mayroong dalawang malalaking armadong tunggalian sa Pilipinas na nagsimula sa maagang bahagi ng dekada 1970.

– Ang pakikibaka ng Communist Party of the Philippines- New Peoples’ Army- National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) laban sa pamahalaan ng Pilipinas

– Ang pakikibaka ng Bangsamoro para sa  kasarinlan o Right to Self Determination, na sinimulan ng Moro National Liberation Front  (MNLF) at pinagpapatuloy sa ngayon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF)

A young war evacuee holds his message of peace. Although the Mindanao armed conflict features a low intensity type of warfare, the ‘all-out war’ declarations and skirmishes have caused hundreds of deaths and thousands of displaced persons in 2000, 2001, 2003 and 2008. (Nartea and PhilANSA, copyright 2005)

Prosesong Pangkapayapaan

Upang maresolba ang mga nasabing tunggalian, ang pangunahing pamamaraan ng pamahalaan ng Pilipinas (Government of the Philippines or GPH) ay peace talks o usapang pangkapayapaan. Sinasabayan din ito ng mga programang reporma at pangkaunlaran sa mga apektadong lugar. Gumagampit pa rin ng pwersang militar and GPH ayon sa Internal Peace and Security Plan ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ang kabuuang stratehiyang pangkapayapaan at seguridad ng kasalukuyang administrasyon ay nakalathala sa “Chapter 9 Peace and Security” ng Philippine Development Plan 2011-2016.

Ilang ulit na din sinabi ni Pangulong Benigno S. Aquino III (PNoy) na ang intensyon niyang magkaroon ng mga peace agreement sa kalagitnaan ng kanyang administrasyon o taong 2013, upang may sapat na panahong simulan ang implementasyon.

GPH-NDF PEACE PROCESS

Mula ng sinimulan ito noong 1986, paputol-putol ang mga peace negotiations sa pagitan ng  GPH at  NDF, kung saan ilang buwan lamang ang mga tigil-putukan o ceasefire at negosasyon. Ang unang peace talks ay natigil na pagkatpos ng Mendiola massacre noong Enero 1987.

Sa administrasyon ni Pangulong Fidel Ramos sinimulan  muli ang negosasyon, at pinagkasunduan ang mga  balangkas at prinsipyo nito sa Hague Agreement ng 1992. Napagkasunduan dito ang hakbang-hakbang na negosasyon tungo sa isang “comprehensive agreement” na naglalaman ng mga paksang sumusunod:

1. Human Rights and International Humanitarian Law

2. Social and Economic Reforms

3. Political and Constitutional Reforms

4. End of Hostilities and Disposition of Forces

Sa kasalukuyan, ang natatapos pa lamang na kasunduan ay ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International   Humanitarian Law (CARHRIHL) na nilagdaan noong 1998, sa administrasyon ni Pangulong Joseph Estrada.

Sa pamahalaang Macapagal-Arroyo

Binuhay muli ang formal peace talks sa pagitan ng GPH-NDF noong 2001 hanggang 2004 sa panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ang mga usapan ay ginanap sa Oslo, Norway sa pamamagitang at suportang “facilitation” ng Royal Norwegian Government. Ngunit dahil sa mga kundisyong hinihingi ng magkabilang panig, naputol ang mga pag-uusap bago makabalik sa negosasyon. Halimbawa, hiniling ng NDF na alisin ang CPP-NPA sa listahan ng mga terorista ng Estados Unidos, samantalang hinihingi naman ng GPH na sumangayon sa pangmatagalang ceasefire ang NDF bago ipagpatuloy ang negosasyon.

Unang pormal na peace talks sa ilalim ni PNoy

Sa administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III, nagkaroon muli ng pormal na peace talks ang GPH at NDF mula noong ika-15-21 ng Pebrero 2011. Napagkasunduan ng magkabilang panig ang mas pinabilis na negosasyon na makarating sa isang kasunduan sa loob ng 18 na buwan.

Binuo  ng bawat panig ang kani-kanilang Reciprocal Working Committee (RWC) na tatalakay sana sa Social and Economic Reforms (SER) nitong Hunyo at Agosto 2011 tungo sa isang draft agreement. Nagkasundo rin na bubuo ng kani-kanyang Working Group na tatalakay sa  Political and Constitutional Reform (PCR).

Pagka-antala muli ng negosasyon

Ngunit nitong mga nakaraang buwan, nagkaproblema sa mganasabing plano. Ayon sa NDF, hindi tumutupad ang GPH sa kasunduang palayain ang 13 matataas na pinuno (“consultants”) ng NDF sang-ayon sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Ayon naman sa GPH, nabinbin ang pagpapalaya sa natitirang 8 (may napalaya ng 5) dahil sa mga nawawalang larawan ng mga ito sang-ayon sa proseso ng verification sa JASIG.

Sa tulong ng Norwegian facilitator ay naghahanap sa ngayon ng paraan na maibalik ang kasalukuyang pagkakatigil ng negosasyon. Parehong nagsasabi ang GPH at NDF na naninindigan pa rin silang ipagpatuloy ang peace talks, bagama’t kapwa sila nagsisisihan sa kasalukuyan kung sino ang may pananagutan sa aberya.

NEGOSASYON NG GPH-MILF

Nasimulan ang peace negotiations ng GPH at MILF noong 1997, matapos malagdaan ang 1996 Final Peace Agreement ng GPH at ng Moro National Liberation Front (MNLF). Bagama’t mayroong peace talks sa pagitan ng  GPH at MILF, nagkaroon din ng panahon ng matitinding labanan tulad ng tinaguriang “All out war” sa panahon ni Pangulong Estrada, at ng Buliok attack noong Pebrero 2003. Ngunit naibalik ang ceasefire agreement sa  pagitan ng dalawang panuig noong July 2003.

Malapit na sanang magkapirmahan ng Memorandum of Agreement on Ancestral Domain ang magkabilang panig, at ito na sana ang huling kasunduan bago ang Final Comprehensive Compact sa pagitan ng GPH at MILF. Subalit ito ay natigilan nang magpataw ng Temporary Restraining Order o TRO ang Korte Suprema noong Agosto 2008. Matapos nito muling tumindi ang mga labanan sa ilang bahagi ng Mindanao, na naging dahilan ng paglikas ng higit 600,000 na mamamayan mula sa kanilang mga tahanan at pamayanan.

GPH-MILF peace talks  sa panahon ni PNoy

Nagsimula muli ang peace ng GPH at MILF sa Kuala Lumpur, Malaysia noong ika-9-10 ng Pebrero, 2011. Nagsumite ang MILF ng kanilang manibagong panukala para sa isang Comprehensive Contract base sa mga naunang panukala hinggil sa kasunduang pangkapayapaan.

Sa muling pagpupulong ng mga peace panels  sa  Kuala Lumpur noong 27-28 ng Abril 2011, wala pang naihahaing panukalang kasunduan ang GPH, sa halip nagharap ito nga mga katanungang pagkaklaro tungkol sa panukala ng MILF. Nagkasundo muling mag-negosasyon ang dalawang panig nito sa katapusan ng Hunyo 2011.

Pulong ni  PNoy at  Murad sa Tokyo

photo shared from Luwaran website

Nagulat ang lahat nang mapabalitang pagpupulong ni Pangulong Aquino at Chairperson Murad ng MILF sa Tokyo noong ika-4 ng Agosto 2011. Hindi ipinaalam ang pulong na ito sa publiko malaiban noong natapos na ito. Ito ay kinilalang isang mapangahas na pagkilos na nagpapakita ng sinseridad ng dalawang panig para sa kapayapaan.

Rekomendasyon ng MILF panel ng hindi pagtanggap sa GPH proposal

Sa pagpapatuloy ng negosasyon noong ika-22 ng Agosto 2011, naghayag ang GPH ng kanilang panukala na tinaguriang “Three for One“.

Ngunit ayon sa MILF peace panel, napakalayo nito sa kanilang panukala para sa comprehensive compact, kung kaya’t inirekomenda nila sa Central Committee na huwag tanggapin itong panukala ng GPH. Sa yugtong ito nakabinbin ang negosasyon habang nagkakaroon ng konsultasyon ang magkabilang panig. Inaasahang maipagpapatuloy ang susunod na usapan sa katapusan ng Oktubre 2011.

Magkaibang Panukala

Ayon kay Chairperson  ng GPH Panel Marvic Leonen, ang mga sangkap ng panukalang “Three for One ” ng GPH proposal ay:

1) “massive economic development” o malawakang kaularang pang-ekonomiya sa ARMM na katuwang ang MILF upang mawakasan ang kahirapan;

2) “political settlement or peace accord” o pampulitikang kasunduan na nakatuon sa kung ano ang maisagawa ng GPH sa lalong madaling panahon;

3) “cultural-historical acknowledgement” o pangkultura at pangkasaysayang pagtanggp na may pagtutuwid sa kasaysayan ng bansa upang kilalanin na ang Pilipinas ay binubuo ng iba’t ibang kultura, lalo na ng mga Bangsamoro at katutubo.

Samantala ang panukala naman ng MILF ay hindi tungo sa “independence” o kasarinlan, kundi sa pagtayo ng “Bangsamoro substate”. na pamumunuan ng isang Chief Minister at kung saan mayroong isang State Assembly. Ang “substate” na ito ay may “asymmetrical relations” o ugnayang di-kapantay sa pambansang pamahalaan ng Pilipinas, na siyang may kapangyarihan sa ugnayang panlabas (foreign relations), national defense, pananalapi (currency) at koreo (postal services). Samantala, nakapailalim sa Bangsamoro Substate ang mga hukuman (criminal justice), kapulisan (police), lokal na seguridad. Mayroon din silang mga panukala hinggil sa hatian sa kinikita mula sa likas-yaman at buwis.

Naniniwala ng MILF na kailangan ng pagbabago sa Saligang Batas o Konstitusyon ng Pilipinas upang maitayo ang substate, na maaring gawin sa pamamagitan ng isang limitadong pag-amyenda sa Saligang Batas. Ninanais naman ng GPH ang isang kasunduang nakabatay sa kung ano ang maaring ipatupad sa ilalim ng Konstitusyon.

PANAWAGAN NG MGA PEACE ADVOCATES AT MAMAMAYAN

BAKWIT POWER. Pikit, North Cotabato is the location of the all out wars in 2001 and 2004. Thousands of “bakwits” (war evacuees) stormed the highways and called for an all out peace in 2005. (G. Nartea and PhilANSA, Copyright 2005)

Maraming grupo ng mga peace advocates at mga ibang mamamayan na hindi kabilang sa GPH, sa NDF o sa MILF. Mayroon ding mga grupo na pumapanig sa mga nasabing partido. Marami ang nagkakaisa sa mga sumusunod na  panawagan-tungo sa kapayapaan:

1) Ituloy ang mga usapang pangkapayapaan o peace talks, maging sa GPH-NDF o sa GPH-MILF. Kung maaari, kumilos tungo sa mabilisang kasunduan sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na negosasyon. Huwag kayong bibitiw!

2) Itigil ang putukan, lalo na sa panahon ng pag-uusap. Iwasan na sana ang pagsakripisyo ng maraming buhay at pagkasira sa mga pamayanan.

3) Itaguyod ang mga internasyunal na pamantayan sa karapatang pantao at batas ng digmaan (humanitarian law). Wakasan na ng lahat ng panig dapat ang mga extra-judicial killings, sapilitang pagdukot (enforced disappearances), o pagtortyur.

4) Dapat ipatupad na ng pamahalaan ang programang pangkaunlarang nakabatay sa katarungang panlipunan: repormang agraryo, lupang ninuno ng mga katutubo, karapatan sa paggawa, atbp. – upang maputol ang mga pinag-uugatan ng tunggalian. Dapat itong isagawa sa tulong ng lahan ng mamamayan tulad ng mga mangangalakat at propesyunal.

5) Palahukin ang ang mga mamamayan sa mga negosasyon (peace talks). Kahit hindi kami kasama sa Oslo o sa Kuala Lumpur, sikapin ninyong dinggin anf mga tinig lalung-lalo na ng mga apektadong grupo tulad ng mga katutubo at mga kababaihan at kabataan.

6) Dapat ding makisangkot, lumahok at tumulong ang lahat ng mga mamamayan sa pagkamit ng isang matibay na kapayapaan sa bansang Pilipinas.

Ang praymer na ito ay ihinanda ng WAGING PEACE PHILIPPINES at ng  GENERATION PEACE YOUTH NETWORK
Contact persons:
Karen N. Tañada – ktanada@gmail.com
Beverly Orozco – bevorozco@gmail.com
Gaston Z. Ortigas Peace Institute
2/f Hoffner Building, Ateneo de Manila University
Loyola Heights, Q.C. 1108, Philippines
Tel/ Fax (632)4266064
http://www.gzopi.wordpress.com
http://www.youthpeacenetwork.wordpress.com

Posted on October 21, 2011, in Mindanao Conflict, NDF Conflict, Publications, Resource Center, Statements and tagged , , , , , , , , , . Bookmark the permalink. 1 Comment.

  1. maraming salamat at natuntunan ko ang website nyo. sa sorsogon partikular sa gubat at barcelona ay nagpapatupad kami ng proyektong STRENGTHENING LOCAL GOVERNMENT IN THE PHILIPPINES PHASE III, ito ipinapatupad ng lga-opapp. Na organisa namin ang BARCELONA YOUTH ACTION NETWORK INC (BAYANI), pangunahing layunin nito ang pagbubuo ng mga youth volunteer for peace advocacy sa municipyo ng barcelona sorsogon.

    gusto namin mag konek ng programa nyo, sana matulungan nyo ang mga kabataan na ito.

    JOEL CALLA

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: